Sonic the Hedgehog
| Sonic the Hedgehog | |
|---|---|
| Nilikha ni/ng |
|
| Orihinal na gawa | Sonic the Hedgehog (1991) |
| Pagmamay-ari | Sega |
| Opisyal na websayt | |
Ang Sonic the Hedgehog[a] ay isang serye ng larong bidyo at prangkisang pang-midya na nilikha ng mga Hapones na developer na sina Yuji Naka, Naoto Ohshima, at Hirokazu Yasuhara para sa Sega. Sinusundan ng prangkisa si Sonic, isang antropomorpikong asul na hedgehog na may bilis na supersoniko, na nakikipaglaban sa baliw na siyentipiko na si Doctor Eggman at sa kanyang hukbo ng mga robot. Ang mga pangunahing laro ng Sonic the Hedgehog ay mga platformer na karamihang binuo ng Sonic Team; kabilang sa iba pang mga laro, na binuo ng iba't ibang istudiyo, ang mga spin-off sa mga genre na karera, pakikipaglaban, party, at palakasan. Kabilang din sa prangkisa ang mga nakalimbag na midya, mga animasyon, mga pelikula, at mga paninda.
Binuo nina Naka, Ohshima, at Yasuhara ang unang laro ng Sonic, na inilabas noong 1991 para sa Sega Genesis, upang magkaroon ang Sega ng maskot na makakalaban sa Mario ng Nintendo. Nakatulong ang tagumpay nito upang maging isa ang Sega sa mga nangungunang kompanya ng video game noong ikaapat na henerasyon ng mga console ng larong bidyo noong unang bahagi ng dekada 1990. Binuo ng Sega Technical Institute ang susunod na tatlong laro ng Sonic, pati na ang spin-off na Sonic Spinball (1993). Ilang laro rin ng Sonic ang binuo para sa mga console na 8-bit ng Sega, ang Master System at Game Gear. Pagkatapos ng paghinto noong hindi matagumpay na panahon ng Saturn, inilabas noong 1998 para sa Dreamcast ang unang pangunahing 3D na laro ng Sonic, ang Sonic Adventure. Umalis ang Sega sa merkado ng mga console at lumipat sa pagbuo para sa mga third-party noong 2001, at ipinagpatuloy ang serye sa mga sistema ng Nintendo, Xbox, at PlayStation. Naging prodyuser ng serye si Takashi Iizuka mula noong 2010.
Kabilang sa mga paulit-ulit na elemento ng Sonic ang isang sistemang kalusugan na nakabatay sa mga singsing, mga lokasyon ng lebel gaya ng Green Hill Zone, at mabilis na paraan ng paglalaro o gameplay. Karaniwang nagsisimula ang mga laro sa paglalakbay ni Sonic upang pigilan ang mga plano ni Eggman na dominahin ang mundo, habang ginagabayan ng manlalaro ang karakter sa mga lebel na may mga bukal, dalisdis, mga walang-hanggang hukay, at patayong paikot na daanan. Nagdagdag ang mga sumunod na laro ng malaking pangkat ng mga tauhan; ang ilan sa mga ito, gaya nina Miles "Tails" Prower, Knuckles the Echidna, at Shadow the Hedgehog, ay naging bida sa mga spin-off. Nagkaroon ang prangkisa ng crossover o pagtawid sa iba pang serye sa mga larong gaya ng Mario & Sonic, Sega All-Stars, at Super Smash Bros. Sa labas ng mga larong bidyo, kabilang sa Sonic ang mga komiks na inilathala ng Archie Comics, Fleetway Publications, IDW Publishing, at DC Comics; mga seryeng animasyon ginawa ng DIC Entertainment, TMS Entertainment, Genao Productions, at Netflix; isang serye ng live-action (o totoong-tao) na pelikula na ginawa ng Paramount Pictures; at mga laruan, kabilang ang isang linya ng mga set pang-konstruksyon ng Lego.
Ang Sonic the Hedgehog ang pangunahing prangkisa ng Sega, isa sa mga pinakamabentang prangkisa ng larong bidyo, at isa sa mga pinakamalaking kumita na prangkisa ng midya. Umabot sa kabuuang 1.77 bilyon ang mga benta ng serye at mga download ng free-to-play o libreng-ilaro na larong pang-mobile mula noong 2024. Inilarawan ang mga laro ng Sonic para sa Genesis bilang kumakatawan sa kultura ng dekada 1990 at isinama sa mga pinakamahuhusay na larong bidyo sa lahat ng panahon. Bagaman nakatanggap ng mas mabababang pagsusuri ang mga sumunod na laro, gaya ng laro noong 2006, naging impluwensiyal ang Sonic sa industriya ng larong bidyo at madalas itong tinutukoy sa kulturang popular. Kilala ang prangkisa sa fandom o pamayanan ng mga tagahana nito na lumilikha ng di-opisyal na midya, gaya ng fan art (sining ng tagahanga) at fan game (larong gawa ng tagahanga).
Mga tauhan at kuwento
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kilala ang prangkisa ng Sonic sa malaking pangkat ng mga tauhan nito;[1] pabirong sinabi ni Yu Suzuki, prodyuser ng Sonic the Fighters (1996), na tungkulin ng sinumang gumagawa ng laro ng Sonic na lumikha ng mga bagong tauhan.[2] Ipinakilala ng unang laro si Sonic, isang asul na hedgehog na kayang tumakbo sa napakabilis na bilis, at si Doctor Eggman, isang matabang siyentistang baliw.[3] Noong panahon ng Genesis, tinawag si Eggman na Doctor Ivo Robotnik sa mga teritoryo sa Kanluran.[4][5] Ginawa ni Dean Sitton ng Sega of America ang pagbabagong ito[6] nang hindi sumangguni sa mga developer na Hapones, na ayaw na magkaroon ng dalawang magkaibang pangalan ang isang tauhan. Mula sa Sonic Adventure, tinawag na ang tauhan bilang Eggman sa lahat ng teritoryo,[4] bagaman kinikilala pa rin ang pangalang Robotnik.[5][7][8]
Mga pananda
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Buchanan, Levi (Pebrero 20, 2009). "Where Did Sonic Go Wrong?". IGN (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Nobyembre 4, 2019.
- ↑ "Maximum News: Sonic and AM2 team-up for new coin-op!". Maximum (sa wikang Ingles). Blg. 3. EMAP. p. 115.
- ↑ Thomas, Lucas M. (Enero 26, 2007). "Sonic the Hedgehog VC Review". IGN (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 10, 2019.
- 1 2 Casey (Hunyo 24, 2016). "Sega Explains How Dr. Robotnik Came To Be Called Eggman". Siliconera (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 10, 2018.
- 1 2 Frushtick, Russ (Pebrero 16, 2020). "Doctor Robotnik vs. Eggman: the confusion over Sonic the Hedgehog's true villain". Polygon (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 10, 2020.
- ↑ Caoili, Eric (Abril 13, 2009). "Sonic The Hedgehog Bible: Never Before Revealed Secret Origins". GameSetWatch (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 3, 2019.
- ↑ Sonic Team. Sonic Adventure (sa Ingles). (Sega). Dreamcast. Antas/sakop: Mystic Ruins. (Disyembre 23, 1998) "Doctor Robotnik: Silence! I am Dr. Robotnik, the greatest scientific genius in the world! Sonic: Whatever you say, Eggman!"
- ↑ Sonic Team. Sonic Generations (sa Ingles). (Sega). PlayStation 3, Xbox 360, and Windows. Antas/sakop: Time Eater. (Nobyembre 1, 2011) "Classic Tails: Dr. Robotnik! Classic Eggman: Nobody calls me that anymore. If you would be so kind as to explain, gentleman genius Dr. Eggman From The Future."