Pumunta sa nilalaman

Pekas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pekas
Ibang katawaganEpelides, epelide
Bahagyang mga pekas sa mukha sa isang bata
EspesyalidadDermatolohiya

Ang mga pekas ay mga kumpol ng mga selulang may mataas na konsentrasyon ng melanina na pinakamadaling makita sa mga taong may maputing kutis. Hindi nadaragdagan ang bilang ng mga selulang gumagawa ng melanina, o mga melanosito, sa mga pekas, kundi mayroon itong mga melanosito na labis na gumagawa ng mga granulo ng melanina (melanosoma) na nagbabago ng kulay ng mga panlabas na selula ng balat (keratinosito). Dahil dito, naiiba ang mga pekas sa mga lentigo at nunal,[1] na sanhi ng pagtitipon ng mga melanosito sa isang maliit na lugar. Maaaring lumitaw ang mga pekas sa lahat ng kulay ng balat. Sa anim na mga uri ng balat na Fitzpatrick, pinakakaraniwan ang mga ito sa tono ng balat na 1 at 2, na kadalasang matatagpuan sa mga taong nagmula sa Hilagang Europa. Gayunman, maaari rin silang matagpuan sa mga tao sa iba't ibang panig ng daigdig.

Ang pagbuo ng mga pekas ay dulot ng pagkakalantad sa sikat ng araw. Ang pagkalantad sa radyasyong UV-B ay nagpapagana sa mga melanosito upang dagdagan ang produksiyon ng melanina, na maaaring magdulot upang ang mga pekas ay maging mas maitim at higit na kapansin-pansin. Dahil dito, ang isang taong hindi pa nagkakaroon ng mga pekas ay maaaring biglang magkaroon ng mga ito matapos ang matagal na pagkakalantad sa sikat ng araw.

Kadalasang matatagpuan ang mga pekas sa mukha, bagaman maaari silang lumitaw sa anumang bahagi ng balat na nalalantad sa araw, gaya ng mga braso at balikat. Ang mataas na konsentrasyon ng melanina ay maaaring magdulot ng pagdami ng mga pekas hanggang sa matakpan ng mga ito ang isang bahagi ng balat, tulad ng mukha. Bihira ang mga pekas sa mga sanggol at mas karaniwang nakikita sa mga bata bago sumapit ang pagdadalaga o pagbibinata. Kapag muling nalantad sa sikat ng araw, maaaring bumalik ang mga pekas kahit nabawasan o naalis na ang mga ito sa pamamagitan ng mga krema o paggamot gamit ang laser, lalo na kung hindi napoprotektahan ang balat mula sa araw. Gayunman, sa ilang tao ay unti-unti rin silang kumukupas habang tumatanda.

Hindi itinuturing na sakit sa balat ang mga pekas, subalit ang mga taong may mga pekas ay karaniwang may mas mababang antas ng melaninag panangga sa liwanag (photoprotective melanin), kaya mas madaling maapektuhan ng mapaminsalang epekto ng radyasyong ultrabiyoleta (UV). Dahil dito, inirerekomenda na ang mga taong madaling magkaroon ng mga pekas ay umiwas sa labis na pagkakalantad sa sikat ng araw at gumamit ng panangga sa araw (sunscreen).[2][3]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. ↑ Kumar, Vinay, pat. (2005). Robbins and Cotran Pathologic Basis of Disease (sa wikang Ingles) (ika-7 (na) labas). Philadelphia: Elsevier Saunders. p. 1232. ISBN 0-8089-2302-1.
  2. ↑ Hanson, K. M; Gratton, E; Bardeen, C. J (2006). "Sunscreen enhancement of UV-induced reactive oxygen species in the skin" (PDF). Free Radical Biology and Medicine (sa wikang Ingles). 41 (8): 1205–12. doi:10.1016/j.freeradbiomed.2006.06.011. PMID 17015167. S2CID 13999532.
  3. ↑ Garland C, Garland F, Gorham E (1992). "Could sunscreens increase melanoma risk?". Am J Public Health (sa wikang Ingles). 82 (4): 614–5. doi:10.2105/AJPH.82.4.614. PMC 1694089. PMID 1546792.